Lampara

By: Araceli Tubao-Podico, RN*

Lampara… isang simpleng bagay na magsisilbing tanglaw

Nagbibigay liwanag upang makita ang bawat galaw

Pag-asa din ng hatid upang buhay ay di mapanglaw

Sa bawat araw, ito ang tinatanaw.


Dahil sa liwanag may natupad na pangarap

Mag-alaga ng mga may sakit kahit medyo mahirap

Naging inspirasyon si Florence Nightingale na walang katulad

Lahat na sumunod sa kanyang mga yapak ay napakapalad.


Naging daan ito upang makapag-ibang bansa

Magandang trabaho at lumaki ang kita

Iniwan mga pamilya kahit nangungulila

Maayos na buhay, sadyang pinagpala.


Sa mga ospital na pinagtatrabahuan

Karamihan ay mga dayuhan

Kahit kung minsan mahirap magkaintindihan

Pag-alaga sa kanila maiging ginampanan.


Nang di inaasahan, may dumating na delubyo

Mabagsik na kalaban, di nakikitang mikrobyo

Gustong ubusin mga tao sa mundo

Matindi ang laban, dehado ang tao.


Mga kasamang narses hindi handa sa laban

Di agad makalapit sa pasyenteng sakit ay dinapuan

Magkahalong kaba at takot ang nararamdaman

Isang uri ng sakit, kulang ang kaalaman.


Unti-unti, pag-asa ay nawawala

Paningin ay lumalabo dahil sa dami ng luha

Puso ay dinudurog sa kalagayang kaawa-awa

Ng mga may sakit, palubha ng palubha


Kailangang tumayo kahit nahihirapan

Hirap man huminga sa bagong kasuotan

Ang “Lampara” ay kailangang sindihan

Maging matatag – puso at kaisipan.


Ilaw… liwanag…pag-asa…buhay…

Paggaling ng mga may sakit, sa inyo nakasalalay

Dagdaga ang lakas ng mapag-alagang mga kamay

Laging iisipin, ang Poong Maykapal sa inyo ay gumagabay.



Mga Hiyas

By: Araceli Tubao-Podico, RN*

Ang mundo ay patuloy pa ring nababalot ng lungkot

Mga tao ay lalo pa ring natatakot

Ang mapanghasik na mikrobyo ay ikot ng ikot

Sa pagkitil ng buhay, panay ang hakot.


Wala pa yata itong katapusan

Pati mga pasyente sa mga pagamutan

Mga narses lalong pinahihirapan

Dahil sa digmaang ito, sila ang nasa harapan.


Lahat na sakripisyo hinaharap ng buong katapangan

Kumukuha ng lakas sa diyamanteng isa sa mga hiyas na tangan

Binubuo ang pagkatao katawan man o isipan

Di mawawalan ng pag-asa...itutuloy ang laban.


Mga pasyente walang tigil mga luha sa mga mata

Nang malamang lumulubha pala sila

Mga hiyas na topaz at jade na nagbibigay ng pag-asa

Inyong pinararamdam na tutulungan silang mabubuhay pa.


Dumadating ang puntong mga pasyente ay nahihirapang huminga

Mga hiyas na red coral, emerald at ruby kumikinang na

Mabibilis kumilos mga kamay, isipan at mga mata

Proteksiyon ibibigay agad upang may sakit ay maililigtas na .


Ang pagiging tapat na dala ng garnet ang nagbunsod sa tungkulin

Kahit pa lumiliban sa oras ng pagkain

Tumitigil sa ospital kahit pag-uwi ay nabibinbin

Sinisigurong mga pasyente napainom ng gamot at mga katawan ay tapos ng linisin.


Sa pamamagitan ng sapphire, ang pag-asa ay di nawawala

Silakbo ng damdamin at taos na pagmamahal sa opal nagmumula

Inspirasyon at pananampalataya sa Diyos na tinitingala

Kumakapit...lakas ng loob...kaya di nababahala.


Mga " makabagong alagad" ni Florence Nightingale na maalaga

Di dapat ituring na "alipin" dahil kayo ay mahalaga

Mga "Lampara" na ang ilaw ay di dapat mawala

Pag-asa ng mundo...mga hiyas na nagniningning na parang tala.


Isang tula na buong pusong inihahandog sa inyo

Nasasaktan din ang damdamin, punong-puno ng siphayo

Di man mapantayan bawat sakit nararanasan ninyo

Sa puso at isipan.. ....magkakasama tayo.


* She is currently living in General Santos City. She is an alumna of QCMC Nursing Class ‘77